0

Eksena sa Starmall

Tsismoso nga ba o nagpapakatao lang?

Nasa Starmall ako kanina, kakabili ko lang ng Post-it sa National. Palabas na ako nung may narinig kaming nag-aaway sa mall. Parang magkapitbahay na nagsisigawan. Syempre natigilan lahat. Yung iba natawa, yung iba patay malisya, yung babae naman na kasunod ko sa pila, nagsabi ng “Edi wow.” Ako, di ko alam gagawin. Seryoso. Makikinig ba ako o magkukunyaring walang naririnig?

Pinatahimik sila ng guard, at sinamahan palabas ng mall. Mag-nanay pala sila. Yung anak ang sumisigaw. Di na raw sya uuwi sa bahay. Sabi ng nanay nya, “Wag kang sumigaw.” Umiiyak yung anak. Kinukuha nya bag nya na buhat ng nanay nya. Ayaw ibigay ng nanay.

“Akin na yan. Hindi na ako uuwi. Ayoko nang mag-aral.” Mukhang masama talaga loob nung anak. Nung naglalakad ako palampas sa kanila, may mga babaeng nagsasabi, “Ayy mga tsismoso.” Medyo na-conscious tuloy akong makinig, siguro yung ibang tao din nahiya na ring makinig. Napaisip tuloy ako. Pag nakinig ba ako sa away nilang mag-ina dun sa may pintuan ng mall, ibig sabihin tsismoso ako? Or sige, babae ako, so tsismosa na ba agad tawag dun? Hmm ganun ba yun? Di ba pwedeng gusto ko lang malaman at maintindihan yung nangyayari? Ano nga ba ibig sabihin ng tsismosa? Hmm.

Naglakad ako nang mabagal. Gusto ko pang maintindihan yung side nung anak at nung nanay. Parang pakiramdam yata nung anak, sinusumbat ng nanay nya yung pagpapaaral sa kanya. Kaya daw ayaw nyang umuwi para wala na silang pag-aralin. Di ko na masyadong narinig. Tumigil ako saglit. Maya-maya, umalis na yung nanay. Dumaan sa tabi ko. Gusto ko syang tapikin pero syempre di ko ginawa. Baka mabaling sa akin yung galit nya.

Pinanood ko syang maglakad nang mabilis. Gusot yung mukha nya, naglabas sya ng cellphone, sobrang sama ng loob. Nililingon nya anak nya, pero hindi sya sinundan. So mas naging firm pa yung mukha nya, mga tipong Aba-hinahamon-mo-ako look.

Natapos ang eksena, pumunta na ako sa terminal ng tricycle, at habang tumatawid sa kalsada, iniisip ko, tsismoso nga bang matatawag yung mga taong nasa paligid na tumitigil, nakikitingin at nakikinig kapag may hindi magandang nangyayari? O baka naman natural response lang talaga ng mga tao na maging concerned sa mga nangyayari sa paligid nya, kasi tao pa ba tayo kung wala tayong pakialam sa kapwa natin, at magkukunwaring walang nakita o narinig kasi ayaw nating matawag na tsismoso? 🤔

0

Immune

Dadating yung panahon magiging immune din ako sa sakit. Sa mga ayaw. Sa mga wag na. Sa mga hindi pwede.

Sige lang. Dadating yung panahon, wala na sa akin kahit ano pang sabihin mo. Strong woman na ako. Di na ako maaapektuhan. 💪 Kasi wala lang naman sayo lahat yun e.

0

Nga ba?

Dami ko nang gustong isulat pero di ko binibigyan ng panahon. Parang paglalakad lang ito with Happy and Smiley, gustong-gusto kong gawin pero di ko binibigyan ng oras. Malabo yung ganito. Sabi ko gusto ko, pero lagi kong sinasantabi. Gusto ko nga ba talaga?

0

Masakit?

Ang sakit ng balikat ko. Pati braso at likod. Hayy, masakit pala sa katawan magsurfing. Hahaha.

Kahapon, mag-enjoy lang ang nasa isip ko. Lusong! Sampa sa board, abang ng alon, kampay-kampay, tapos tayo. Pero syempre nahulog din ako at nadulas, nauntog sa board at nahampas ng alon.

May isang beses nahulog ako, pag-ahon ko, buhangin na. Hirap bumwelo pabalik kasi sunod-sunod yung alon. Nung bubuhatin ko na yung board, mabigat pala! Ayun, bumagsak sa paa ko! Hahaha, iyak-tawa ako. 😅 Gusto kong magpahinga pero tinatawag na ako ng instructor ko. Sinisigaw ko, “Can I rest for a while?” Di nya naririnig. Sabi nya, “Lie down.” Sakay na daw uli ako sa board. Ayun. Wala nang time para damhin ang sakit. Go na ulit para sa next wave. Wehehehe. 🌊

0

Alon

Tingin daw sa likod para makita pag may parating na alon. Tinitignan ko naman, pero hindi ko malaman kung alin bang alon ang pwedeng sabayan. Pag may alon na mukhang okay, ang sunod kong problema, timing. Para akong ewan. Natatakot na nag-aalangan. Kaya madalas, hinihiga ko na lang. Di na ako nagbabakasakali. Siguro ayokong mapahiya? Ayokong sumubok tapos mali pala.

Mahina sa timing. Takot sumubok. Mas pipiliin pang wala na lang gawin kaysa sabayan yung alon na alanganin. Di ko alam.

Pero yung totoo, deep inside, gustong-gusto kong makatyempo ng alon na sapat ang taas at pwede kong sabayan, yung tipong magdadala sa akin nang swabe sa pampang. Sana makabalik ako. At sana pagbalik ko, may tapang na akong baon para sumabay sa kahit ano pang alon.